Australian Open, nais ipakansela ni Kyrgios
Ipinanawagan ni Nick Kyrgios na kanselahin ang Australian Open, sa hindi inaasahang pagpapakita ng simpatiya sa tennis world number one na si Novak Djokovic, na tumangging ilantad ang kaniyang vaccination status.
Naniniwala ang Australian, na ang pagbubukas ng Grand Slam sa Enero ng susunod na taon ay hindi dapat ituloy, bilang respeto na rin sa mga pinagdaanan ng Melbourne, na nag-hosts ng tournament sa panahon ng pandemya.
Ang siyudad ay sumailalim sa higit 260 araw na lockdown mula nang lumitaw ang coronavirus, kayat suhestiyon ni Kyrgios na hindi sulit na ituloy ang opening at manganib na muling ma-lockdown ang siyudad.
Ayon kay Kyrgios . . . “I don’t think the Aus Open should go ahead, just for the people in Melbourne — you’ve got to send a message. No Boundaries. How long did (Melbourne) do in lockdown? 275 days or something?”
Ang torneo ay natuloy ngayong taon, ngunit ang mga manlalaro ay pwersahang sumailalim sa dalawang linggong hotel quarantine, walang live audience na nanood sa laro at nagkaroon pa ng limang araw na snap lockdown habang nasa kalagitnaan ang torneo.
Tiwala ang organizers na masusunod ang schedule ng tournament sa 2022, at inaasahang makapapasok ng Australia ang mga manlalarong fully vaccinated na nang hindi na sasailalim sa quarantine o iko-confine sa bio-secure bubbles.
Una nang sinabi ni Victoria state premier Daniel Andrews, na hindi bibigyan ng exemption ang unvaccinated players, na nagdulot ng pagdududa kung maidedepensa ba ng nine-time champion na si Novak Djokovic ang kaniyang titulo, gayung tumanggi ito na ilantad ang kaniyang vaccination status.
Medyo hindi maganda ang relasyon ni Kyrgios sa Serbian player, kung saan tinawag pa niya itong isang “tool” sa ginanap na Australian Open ngayong taon dahil sa demand nito na luwagan ang hotel quarantine restrictions para sa mga manlalaro.
Ngunit tila lumambot ito ngayon sa pagsasabing dapat pa ring payagang makapaglaro si Djokovic anuman ang vaccination status nito, at binanggit pa ang US basketball star na si Kyrie Irving na hindi rin nakapaglaro sa simula ng NBA season matapos tumangging magpabakuna laban sa COVID-19.
Aniya . . . “Kyrie, Novak … these guys have given so much, sacrificed so much. They are global athletes who millions of people look up to. I just think it is so morally wrong to force someone to be vaccinated. I’m double-vaccinated, but I just don’t think it’s right to force anyone (to be vaccinated) and say you can’t come and play here because you’re not vaccinated. There are other solutions around it, (such as) to get tested every day.” (AFP)