Australyanong madre na si Patricia Fox, inaming sumali sa mga rally sa bansa; hiniling sa BI na ibalik ang kanyang missionary visa
Nagsumite ng kontra-salaysay sa Bureau of Immigration ang Australyanong madre na si Patricia Fox kaugnay sa kinakaharap niyang deportation case.
Ang kaso laban kay Fox ay nag-ugat sa ulat ng intelligence officer ng BI na ang dayuhan ay sumali sa mga kilos-protesta sa bansa.
Sa kanyang counter-affidavit, inamin ni Fox na sumali siya sa mga rally ng mga magsasaka, mga manggagawa at mga mahihirap na nananawagan sa kanilang karapatan sa lupa, sa disenteng kondisyon sa trabaho, security of tenure at makatwirang sahod.
Posible rin anya na nagbitbit siya sa mga protesta ng mga banner na may mga katagang “stop the killings,” “respect human rights,” “resume peace talks,” at “implement agrarian reforms.”
Pero katwiran ng dayuhan na bahagi ito ng kanyang missionary work.
Tinukoy pa ni Fox na hindi limitado sa mga Pilipino ang Bill of Rights sa 1987 Constitution na kumikilala sa freedom of religion, freedom of speech at freedom of expression.
Ipinaiiral din anya sa mga banyaga ang mga ito alinsunod sa mga naunang desisyon ng Korte Suprema.
Kasabay nito, nagsumite rin si Fox ng supplemental motion for reconsideration laban sa pagbawi ng BI sa kanyang missionary visa dahil nalabag daw ang kanyang right to due process.
Hiniling ng australyano na ibalik ng BI ang kanyang missionary visa at isantabi ang kautusan na nagpapawalang-bisa dito.
Ulat ni Moira Encina