Average daily cases ng Covid-19 sa QC, bumababa na
Bumubuti na ang sitwasyon ng Quezon City pagdating sa daily average cases ng Covid-19.
Ayon sa report ng OCTA Research Group, bumaba sa 154 ang arawang kaso ng virus mula June 15 hanggang 21 mula sa 167 cases noong June 8 hanggang 14.
Bumaba rin sa 4.90 ang daily attack rate sa kada 100,000 populasyon ng lungsod kumpara sa 5.30 ng mga nakalipas na linggo.
Nanatili naman sa 7 percent ang positivity rate habang bahagyang tumaas ang reproduction rate sa 1.08 ng lungsod.
Nasa safe level na rin ang hospital bed occupancy sa lungsod na nasa 53 percent habang nasa 55 percent naman ang ICU occupancy.
Bagamat bahagya lamang ang pagbaba ng kaso, sinabi ni OCTA Research Group Fellow Dr. Guido David na ang mahalaga ay consistent na ang pagbaba ng mga kaso.
Sinabi naman ni Mayor Joy Belmonte na sisikapin ng lungsod na magtuluy-tuloy ang pagbuti ng sitwasyon sa lungsod at mapigilan ang pagkalat pa ng virus.
Sa pinakahuling datos ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit hanggang June 23, naitala sa 1,578 ang aktibong kaso o nasa 1.6 percent na ng kabuuang Covid-19 cases na 100,943.