AWOL na pulis, huli sa entrapment operation ng PNP Maritime Group
Arestado ang isang AWOL na pulis sa ikinasang entrapment operation ng PNP Maritime Group National Capital Region.
Nakilala ang suspek na si PO1 Don De Quiros Osias II, dating pulis Malabon na nag-AWOL noon pang Pebrero 2016.
Ayon kay NCR PNP Maritime Group Chief P/ Col. Ricardo Villanueva, ikinasa ang entrapment bunsod ng mga reklamo kay Quiros na robbery extortion at ito ay nagpapakilalang operatiba ng PNP Maritime.
Dahil dito, agad ipinag-utos ni PNP Maritime Group Director B/Gen. Omega Jireh Fidel ang pagdakip sa suspek.
Naganap ang entrapment nang magpanggap ang mga kagawad ng PNP Maritime na mga biyahero ng Isda kung saan ay pinara sila ng suspect sa kahabaan ng Banyera St. at humingi ito ng pera sa kanila.
Nang maiabot na mismo ng pulis ang pera sa suspek ay dito na siya pinaikutan at hinuli.
Pero nang akmang manlalaban ay agad na pinutukan ng mga pulis ang kaliwang binti ng suspek upang di na makapanlaban.
Edison Domingo Jr.