Ayuda, pinagagamit rin para sa recruitment ng mga manggagawa
Isinusulong ni Senador Imee Marcos na maglaan rin ng ayuda ang gobyerno para makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Filipino.
Sa harap ito ng inaasahang pagsipa na naman ng bilang ng unemployment rate ngayong muling nagpatupad ng Enhanced Community Quarantine sa maraming lugar sa bansa.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs na puwedeng pag-isahin ang distribusyon ng ayuda sa pagre-recruit ng mga manggagawa, hindi lang para mapababa ang unemployment rate at tulungan ang mga Pinoy na nahihirapang makahanap ng pagkakakitaan sa gitna ng Pandemya.
Iginiit ng Senador na ang mga cash na ayuda ay stop-gap measure o pantapal lamang.
Naghain na si Marcos ng Senate Bill 1590 o Trabaho sa Oras ng Pandemya Act.
Sa panukala pag-isahin na lang ang legislative measures sa mga subsidiya sa suweldo at mga cash-for-work program para sa mga skilled at unskilled workers sa buong panahon ng Pandemya.
Ilan sa mga tinukoy nitong maaaring malikhang trabaho ay paglilinis ng mga estero, mga kanal, kalsada, paggawa ng road furniture na tulad ng guideposts, road signs at markers, mga boundary fences, mga safety barrier sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Meanne Corvera