B.1.1.529 idineklara ng WHO na Covid ‘variant of concern,’ pinangalanang Omicron

This undated National Institute of Allergy and Infectious Diseases, NIH handout photo obtained August 1, 2021, shows a transmission electron color-enhanced micrograph of SARS-CoV-2 virus particles, isolated from a patient.Handout / National Institutes of Health / National Institute of Allergy and Infectious Diseases / AFP

Idineklara na ng World Health Organization (WHO) nitong Biyernes, na ‘variant of concern’ ang kamakailan lang ay nadiskubreng B.1.1.529 strain ng COVID-19, na unang na-detect sa southern Africa, at pinangalanan na ring Omicron.

Dahil sa klasipikasyon, ang Omicron ay nasa ‘most-troubling category’ na rin ng Covid-19 variants, kasama ng globally-dominant na Delta at ng mas mahinang karibal nito na Alpha, Beta at Gamma.

Kaugnay nito ay nagkumahog ang mga bansa na magpatupad ng ban sa mga biyahe ng eroplano para mapigilan ang pagkalat ng Omicron, habang ang stock markets at oil prices ay nagbagsakan sa pangambang makaapekto na naman ito sa unti-unti nang bumabawing ekonomiya sa iba’t-ibang bansa sa buong mundo.

Pahayag ng WHO . . . “Based on the evidence presented indicative of a detrimental change in Covid-19 epidemiology… the WHO has designated B.1.1.529 as a variant of concern (VOC), named Omicron.”

Anila, maaaring abutin pa ng ilang linggo bago makumpleto ang mga pag-aaral tungkol sa Omicron, upang alamin kung may mga pagbabago sa transmissibility, severity o implications nito para sa COVID vaccines, tests at treatments.

Ang pagbabago sa klasipikasyon ay ginawa matapos ang madaliang virtual meeting ng Technical Advisory Group on SARS-CoV-2 Virus Evolution ng WHO.

Ang variant ay unang iniulat sa WHO mula South Africa noong Miyerkoles.

Ang unang nakumpirmang Omicron infection ay mula sa isang ispesimen na nakolekta noong Nobyembre 9. Nitong mga nakalipas na linggo, ang mga impeksyon sa South Africa ay lubhang tumaas , kasabay ng pagkakatuklas dito.

Ayon sa WHO . . . “This variant has a large number of mutations, some of which are concerning. Preliminary evidence suggests an increased risk of reinfection with this variant, as compared to other VOCs. The number of Omicron cases appeared to be increasing in almost all provinces of South Africa. Current SARS-CoV-2 PCR diagnostics continue to detect this variant.”

Lahat ng viruses ay nagmu-mutate sa paglipas ng panahon, kabilang na ang SARS-CoV-2, ang virus na nagiging sanhi ng sakit na COVID-19.

Sa huling bahagi ng 2020, ang paglitaw ng mga variant na nagdulot ng mas mataas na panganib sa pandaigdigang kalusugan ng publiko, ay nag-udyok sa WHO na simulang ituring ang mga ito na “variant of interest” at ang mas nakakabahalang “variant of concern,” upang alamin kung paano matutugunan ang pandemya.

Nagpasya ang UN health agency na pangalanan ang mga variant batay sa letra ng Greek alphabet, upang maiwasang madiin ang mga bansa kung saan unang nadiskubre ang mga ito.

Nitong Biyernes ang nanawagan ang WHO sa mga bansa na paigtingin ang kanilang surveillance at virus sequencing efforts, upang mas maunawaan ang umiikot na mga variant.

Hinimok naman ni WHO COVID-19 technical lead Maria Van Kerkhove ang publiko, na bawasan ang tyansang mahawa ng virus.

Aniya . . . “We understand that people are concerned. What’s really important as an individual is to lower your exposure. These proven public health measures, have never been more important, and these are distancing, mask-wearing, avoiding crowded spaces, good ventilation, and when it’s your turn, get vaccinated.”


Bukod sa South Africa, ang Omicron ay na-detect din sa Israel mula sa mga taong nanggaling sa Malawi; Botswana; Belgium at Hong Kong.

Sa kabila ng pagpagkukumahog ng mga bansa na magpatupad ng travel ban, una nang nagbabala ang WHO laban sa pagpapataw ng mga paghihigpit sa paglalakbay dahil sa Omicron.

Sinabi ng organisasyon na ang mga bansa ay dapat gumawa ng isang risk-based at scientific approach sa pagsasaalang-alang ng travel measures kaugnay ng variant, ngunit nagbabala laban sa mga paghihigpit.

Ayon sa tagapagsalita ng WHO na si Christian Lindmeier . . . “At this point, again, implementing travel measures is being cautioned against.”

Matangi sa Delta, Omicron at tatlong iba pang VOCs, sa kasalukuyan ay may dalawang mas mababang variants of interest, at sa ilalim nito ay may pito pang isinasailalim sa monitoring.

Ang Delta, na mas nakahahawa kaysa original strain, ay halos nasa buong mundo na at tinalo ang iba pang variants.

Sa 845,000 sequences na na-upload sa GISAID global science initiative mula sa specimens na nakolekta sa nakalipas na 60 araw, 99.8% dito ay Delta. (AFP)

Please follow and like us: