Babae hinatulan ng life imprisonment ng korte sa QC dahil sa human trafficking
Pinatawan ng habambuhay na pagkakabilanggo ng hukuman sa Quezon City ang isang babae dahil sa human trafficking.
Ayon sa NBI, hinatulang guilty ng Quezon City Regional Trial Court Branch 86 si Jennifer Pestaño alyas Jennylyn sa kasong Qualified Trafficking in Persons.
Bukod sa sentensyang life imprisonment, inatasan ng korte si Pestaño na magbayad ng Php5-M danyos.
Pinagbabayad din ng hukuman si Pestaño ng Php 100,000 sa bawat tatlong pribadong complainants bilang moral at exemplary damages.
Sinabi ng NBI na si Pestaño at ang isang menor de edad ay inaresto ng mga tauhan ng NBI-Anti-Violence Against Women and Children Division noong September 10, 2019 sa Novaliches, Quezon City.
Matapos makumpirma ng NBI ang ulat ukol sa human trafficking activities na kinasasangkutan ni Pestaño ay ikinasa ng ahensya ang entrapment operation kung saan ito nahuli.
Nasagip naman sa operasyon ang 12 babaeng biktima na pawang menor de edad.
Moira Encina