Babaeng kadete mula South Cotabato, topnotcher sa PMA

Photo: www.facebook.com/PHILIPPINE-MILITARY-ACADEMY-121770811168454/

Isang babae ang nanguna sa graduating class ng Philippine Military Academy (PMA) ngayong 2022. Siya ang ika-pito sa mga babaeng kadete na magtatapos bilang ‘topnotcher’ sa pangunahing military training institution sa bansa.

Si Cadet 1CL Krystlenn Ivany Quemado, na tubong South Cotabato ay tatanggap ng Presidential Saber mula kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa gaganaping “face-to-face” commencement rites ng Bagong Sibol sa Kinabukasan Mandirigma Hanggang Wakas, o BAGSIK-DIWA Class of 2022.

Tatanggap din si Quemado ng Philippine Navy Saber at Jusmag Saber, bukod pa sa Australian Defence Best Overall Performance Award, Spanish Armed Forces Award, Agfo Award, Academic Group Award, Humanities Plaque, Management Plaque, Social Sciences Plaque, at Navy Professional Courses Plaque.

Pumangalawa naman kay Quemado si Cadet 1CL Kevin John Pastrana na taga Baguio City, na tatanggap ng Vice Presidential Saber at Philippine Air Force Saber gayundin ng Australian Defence Best Overall Performance Award, Information Technology Plaque at Air Force Professional Courses Plaque.

Taga-IloIlo naman ang pangatlo sa katauhan ni Cadet 1CL Ian Joseph Bragancia. Tatanggap siya ng Secretary of National Defense Saber, Philippine Army Saber at Chief Justice Saber.

Bibigyan din si Bragancia ng Australian Defense Best Overall Performance Award, Distinguished Cadet Award, General Antonio Luna Award, Mathematics Plaque, Natural Science Plaque, at National Security Studies Plaque, Army Professional Courses Plaque.

Si Cadet 1CL Faithe Turiano naman ng Camarines Sur ang nasa ika-apat na puwesto, at pang-lima si Cadet 1CL Yyoni Xandria Marie Tiu mula Davao City.

Narito ang bubuo sa Top 10 Cadets ng BAGSIK-DIWA Class of 2022:

6th place – Cadet 1CL Jake Anthony Mosquera ng North Cotabato

7th place – Cadet 1CL Jesie Mar Frias mula Antipolo City

8th place – Cadet 1CL Elvin John Oyo-a mula Butuan City

9th place – Cadet 1CL Nerfa Minong ng Zamboanga City

10th place – Cadet 1CL Criselle Jane Rico na taga-Zamboanga City rin.

Apat sa mga babaeng magtatapos sa PMA ngayong taon ay kabilang din sa top 10 bukod kay Quemado.

Noong 2020, ang babaeng kadete na si Gemalyn Deocares Sugui, ang topnotcher sa MASIDLAWIN class, habang noong 2019 ay babae rin ang nanguna sa PMA class sa katauhan ni Dionne Mae Apolog Umalla, na taga-Alilem, Ilocos Sur.

Ang ilan pa sa mga babaeng kadete na nanguna sa kanilang klase ay sina Arlene dela Cruz noong 1999, Tara Velasco noong 2003, Andrelee Mojica noong 2007 at Rovi Mariel Martinez noong 2017.

Please follow and like us: