Babaeng pinaratangan na investment scammer ng mga kongresista, binugbog umano ng NBI -abogado
Ginulpi umano ng mga tauhan ng NBI si Cristine Lagrisola na una nang inaresto at kinulong ng kawanihan dahil sa reklamong estafa.
Sa panayam ng programang Sa Ganang Mamamayan, inakusahan ng abogado ni Lagrisola na si Atty. Abraham Espejo ang NBI ng pag-torture sa kanyang kliyente para umamin ito sa ipinaparatang sa kanya.
Tumanggi ang abogado na pangalanan ang NBI agent na sangkot dahil kanila itong kakasuhan.
Si Lagrisola ay itinuturong nagpakilalang tauhan ng mga kongresista upang makapanloko at manghingi ng P100-M investment sa mga biktima.
Dahil dito, hinuli sa sinasabing entrapment operation ng NBI si Lagrisola.
Inihayag ni Espejo na isinalang sa online inquest ang kanyang kliyente ng piskalya ng Quezon City kung saan iniutos na palayain ito ng inquest prosecutor dahil walang sapat na ebidensya laban dito.
Gayunman, umabot aniya ng walong araw ang pagkulong ng NBI kay Lagrisola kahit walang kaso laban dito sa korte na iligal dahil ito ay arbitrary detention.
Habang nakaditene rin aniya sa NBI si Lagrisola ay binugbog ito ng mga ahente ng kawanihan.
Sinabi ni Espejo na na-trauma at nagkaroon ng psychological problems ang kanyang kliyente bunsod ng pananakit dito kaya ito ay madalas tulala, biglang umiiyak, at takot lumabas dahil sa pangamba na may papatay sa kanya.
Pinasinungalingan pa ni Espejo ang mga alegasyon laban sa kanyang kliyente.
Aniya hindi sangkot sa investment scam at walang itinakbong pera si Lagrisola kundi ito ay ahente nina 1-PACMAN Partylist Rep. at Deputy Speaker Michael Romero at dating AASENSO Partylist Rep. Teodoro Montoro para sa lending business ng mga ito sa mga nagsusugal sa casino.
Ayon sa abogado, batay sa testimonya ni Lagrisola, sina Romero at Montoro ay nagpapautang sa mga nagka-casino at kumikita ng 2 hanggang 3% na interes kada araw.
Si Lagrisola lang aniya ang utusan ng dalawa na pinagbibigyan nila ng salapi para ipautang sa mga nagsusugal at kikita naman ito ng komisyon.
Ipinunto ni Espejo na kung tunay na sangkot sa scam ang kanyang kliyente ay bakit hindi sumipot at naghain ng reklamo sa NBI o sa piskalya ang mismong mga kongresista at mga sinasabing nabiktima nito.
Wala rin aniyang katotohanan na hindi kakilala nina Romero at Montoro si Lagrisola dahil may mga larawan sila na kasama ng dalawa ang kanyang kliyente.
Plano ni Espejo na kasuhan ang mga nasa likod ng paninira, pagpapaaresto at pagditine nang walang legal na batayan, at pambubugbog kay Lagrisola.
Nais rin ni Espejo na mag-public apology sina Romero at Montoro kay Lagrisola.
Sinubukang kuhanan ng panig ng Sa Ganang Mamamayan si Romero ukol sa paratang laban dito pero walang tugon ang kongresista.
Tumanggi naman na magbigay ng pahayag si Montoro batay sa payo ng kanyang abogado.
Ayon naman kay NBI Spokesperson Atty. Ferdinand Lavin, aalamin niya sa operatives division ng kawanihan ang nasabing alegasyon ng torture.