Babaeng umatake ng isang Pinoy sa Manhattan-bound train, nakatikim ng suntok mula sa ating kababayan
Ginantihan ng suntok ng isang Pilipino ang dayuhang babaeng umano’y nang-atake sa kaniya habang nakasakay sa Manhattan bound train sa New York city subway.
Sa tweet ni Consul-General Elmer Cato, iniulat sa kaniya na isang babae ay sumakay sa tren mula Queensboro Plaza at umupo sa tabi ng kababayan nating hospital worker.
Bigla na lamang umano itong dinuraan ang kamay niya at ipinahid ang laway sa Pinoy.
Dahil sa pambabastos na dinanas, sinuntok niya ang babaeng umatake sa kaniya.
Sabi ni Cato, lingid sa kaalaman ng babaeng nambastos, ang Pinoy ay mula sa pamilya ng boxing legends mula Central Luzon.
Isa aniya lamang ito sa mga kaso ng Hate crimes sa New York na patuloy na naitatala sa Amerika at nambibiktima ng ating mga kababayan at iba pang lahing Asyano.
March 2022 nang malubhang nasugatan ang 67-anyos na Pinay matapos atakehin sa loob ng apartment building nito habang isang senior citizen din na Pinoy naman ang inatake habang papauwi sa kaniyang apartment sa New York.
Batay sa ulat ng Asian American Pacific Islander (AAPI), mula sa higit 10,000 hate incidents na naitala mula March 2020 hanggang December 2021, 917 rito ay mga Pinoy at pumapangatlo ang mga Pilipino sa nangungunang anti-Asian hate victims sa Amerika.