Babala na Di Dapat Ibalewala (problema sa kalusugan ng ngipin ng bata at matanda)
Sa madalas na pagkakataon, binabalewala lamang ang mga pagsakit ng ngipin. Self-medication ang ginagawa ng iba, habang pinababayaan na lamang ng ilan, hindi nagpapatingin o kumukunsulta sa dentista hanggang ito ay lumala, mamaga o sobra na ang sakit at di na makagawa.
Alam n’yo ba na bago lumala o nag-uumpisa pa lang ang problema sa bibig ay meron ng nakikitang senyales na may problema o nag-uumpisang sira sa ngipin? Ang konting pangingilo pag uminom ng mainit na tubig, o ang pagsakit pag kumakagat at pagdurugo ng gilagid pagnag-toothbrush, at pagbabago ng kulay ng ngipin katulad ng paninilaw o pangingitim ng ngipin at pamumula at pagtaba ng gilagid. Anong dapat gawin pag nakararanas ng mga ganitong problema sa bibig na dati naman ay hindi? Una, hindi dapat na mag self medicate tulad ng pag-inom ng pain reliever para mawala ang sakit; pangalawa, ‘wag bibili ng iba’t ibang klase ng tooth paste para mawala ang pangingilo, pagdilaw, pangingitim at padurugo ng gilagid. Ang dapat kumunsulta sa dentista sa konting nararamdaman o nararanasan habang nag uumpisa pa lang ang problema upang maagapan.
Ano nga ba ang pwedeng mangyari kapag itong mga problema sa ngipin at gilagid ay pinapabayaan? Ang sagot, dadating ang araw na bigla na lang itong mga ngipin ay uuga at magiging dahilan ng pagkawala. Sa mga bulok o sakit at pangingilo ng ngipin na di binigyan pansin ay pwede naman na biglang sobrang sakit at magdulot ng pamamaga na apektado ang mukha at magiging malaking abala.
Paalala po na pag nagpabaya tayo doon sa mga nag-uumpisang babala, ang kahinatnan, ang kalusugan ay lalala at maaaring magdulot ng ibang problema sa kalusugan ng ating katawan na di natin alam sa ngipin nagmula. Isa pa, kapag nakaranas ng mga nag-uumpisang problema sa ngipin at gilagid …tandaan binibigyan tayo ng babala para hindi lumalala. Kapag ang ngipin ay nawala pati ibang ngipin hihina.