Babala ng Ukraine sa pambobomba sa Chernobyl staff town, ikina-alarma ng UN atomic watchdog
Nagpahayag ng pangamba ang International Atomic Energy Agency, matapos magbabala ang Ukraine sa pambobomba ng Russia sa bayan kung saan naninirahan ang staff na nagtatrabaho sa Chernobyl nuclear site.
Ayon sa statement ng Vienna-based UN agency . . . “Ukraine informed the International Atomic Energy Agency (IAEA) today that Russian forces were shelling Ukrainian checkpoints in the city of Slavutych where many people working at the nearby Chernobyl Nuclear Power Plant live, putting them at risk.”
Sinabi ni IAEA director-general Rafael Grossi . . . “The incident came just a few days after technical staff at the Chornobyl (plant) were finally able to rotate and go to their homes in Slavutych and rest after working for nearly four weeks without a change of shift”.
Nakontrol ng Russian forces ang planta noong February 24.
Pagkatapos noon ay patuloy ang trabaho ng humigit-kumulang sa 100 Ukrainian technicians para sa araw-araw na operasyon sa radioactive site sa loob ng halos apat na linggo nang walang kapalitan.
Tinukoy din ng UN agency ang mga sunog sa kagubatan sa paligid ng planta, na pinangyarihan ng pinaka grabeng nuclear disaster sa kasaysayan ng 1986.
Subali’t ang mga sunog ay hindi magdudulot ng anumang “major radiological concerns,” ayon sa Ukrainian regulatory authority, isang opinyon na ibinahagi ng IAEA experts.
Sinabi pa ng mga eksperto, na nilooban ang isang environmental analysis laboratory at ninakaw ang kagamitan nito.
Mula nang mag-umpisa ang opensiba ng Russian military, ang pinuno ng IAEA ay paulit-ulit na nagbabala sa mga panganib ng labanan, na unang naganap sa Ukraine, isang bansa na may malawak na nuclear estate na binubuo ng 15 reactor, bukod pa sa Chernobyl.
Binigyang-diin ni Grossi, na handa siyang magpadala ng kagamitan at staff para matiyak ang kaligtasan ng mga pasilidad at maiwasan ang isang “seryosong nuclear accident.”
Binatikos nito ang katotohanang wala pang nagaganap na kasunduan sa pagitan ng Moscow at Kiev, sa kabila ng masidhing mga pagsisikap.
Maging ang kanluranin ay nagpalabas din ng mga babala.
Sa isang joint statement ay nagbabala ang G7 leaders na kinabibilangan ng Estados Unidos, France, Germany, Britain, Italy, Canada at Japan . . . “Russia’s attack has already risked the safety and security of nuclear sites in Ukraine. Russian military activities are creating extreme risks for the population and the environment, with the potential for catastrophic result.”