Badminton world tour, ipinagpaliban sa 2021
Ipinagpaliban sa susunod na taon sa Bangkok, ang Asian leg ng 2020 badminton world tour na nakatakda sana sa Nobyembre ngayong taon, dahil sa coronavirus pandemic.
Ang international matches ng badminton ngayong 2020 ay ipinagpaliban din, matapos higpitan ng mga awtoridad sa buong mundo ang mga galaw at public gatherings, sa pagsisikap na mapigilan ang pagkalat ng virus.
Ayon sa Badminton World Federation (BWF), tatlong torneo sa ilalim ng Asian leg ang itinakdang gawin ng back-to-back sa kalagitnaan ng Enero, kung saan ang finals ay gaganapin sa katapusan ng naturang buwan.
Dagdag pa ng BWF, ang Asian leg ng laro na orihinal na plinanong gawin sa Nobyembre, ay hindi na praktikal kaya ipinasya nilang ganapin ang Asian leg ng torneo sa Thailand.
Dalawa sa Super 1000 tournaments ng torneo ay magsisimula sa January 12 at 19, na ang finals ay sisimulan sa January 27 at matatapos sa January 31.
Ang pagpapaliban ay ginawa matapos magdesisyon ng sports officials ng Asya, na huwag nang lumahok sa Thomas and Uber cup matches na nakatakda sa Oktubre, kung saan ang event sa Denmark ay hindi na itinuloy nitong nakalipas na linggo.
Ang Cup ay tatlong ulit nang naantala ngayong taon, at hindi itutuloy hanggang sa 2021.
Agence France-Presse