Bago matawag na ‘fully vaccinated’ dapat may booster shot na
Balak gawing karagdagang requirement ng Department of Health (DOH) ang booster shot para maituring na ‘fully-vaccinated’ o ganap nang bakunado ang isang indibidwal laban sa COVID-19, sa layuning mapataas ang bilang ng mga magpapa-booster shot.
Sinabi ni Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje, na pinag-uusapan na ng mga lokal na opisyal sa bansa kung isasama ang booster shot bilang requirement para masabing ‘fully vaccinated’ na ang isang indibidwal upang mahikayat ang mas maraming tao na magpa-booster o third dose na ng Covid-19 vaccine.
Ayon kay Cabotaje . . . “We are looking at the possibility of adding a booster dose, baka pwedeng fully vaccinated, updated na vaccination para mahikayat ‘yung mga tao. The studies are currently being discussed, ano pa ‘yung puwede nating gawin para ma-encourage ‘yung ang ating mamamayan magpa-booster.”
Nauna nang ipinanukala ni Presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion, na ang terminong “fully vaccinated” ay i-redefine para maisama rito ang mga taong nabigyan na ng booster shot, na pinalagan naman ng ilang eksperto gaya ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sinabi ni Vergerie na hindi tama ang nasabing hakbang, dahil hindi naman ni-redefine ng institusyon gaya ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang kanilang kahulugan sa salitang “fully vaccinated.”