Bagong agri-tourism park na binuksan sa Baguio city, patok sa mga turista
Binuksan na para sa mga residente at turista ang bagong tourist attraction na matatagpuan sa KM5 Asin Road sa Baguio city.
Mula Baguio city central district, ay gugugol lamang ng 10-15 minutong byahe para makarating sa bagong park attraction.
Ang bagong agri tourism park ng lungsod, na may lawak na 2000 square meter at mayaman sa kalikasan, ay kinagigiliwang puntahan ng maraming residente at turista, dahil sa kakaiba nitong atraksyon at kapaligiran.
Kapansin pansin din ang rock formation sa kapaligiran, ang mga batong nakausli, maliit man o malaki sa paligid ng parke, ay inukit at dinisenyo ng mga bihasang manlililok sa Cordillera sa ibat ibang hugis at anyo, tulad ng mga hayop o endangered animals, pigura ng mga isda, anyo at mukha ng tao, halaman at mga bulaklak.
Mas lalong tumingkad ang mga inukit na mga bato na may ibat ibang pigura, matapos itong pinturahan at lagyan ng disenyo, na lalong nagpatingkad sa luntiang kapaligiran.
Ayon sa management ng bagong tourist attraction park, limitado lamang sa limampung tao ang maaaring pumasok para masunod ang standard health protocols, laluna na ang social distancing.
Para naman may magamit sa pagmamantini sa parke, ay may sinisingil na 100 pesos na entrance fee para sa adults at 80 pesos para sa mga bata at discounted 50 pesos naman para sa senior citizens, pero libre ito para sa mga batang may edad tatlo at pababa.
Upang manatiling ligtas at panatag ang pamamasyal, ay may mga nakatalagang security katuwang ng ilang barangay officials, upang umasiste at magbigay ng gabay.
Ulat ni Daisy Castañeda