Bagong anyo ng Anti-Drug Campaign ng BBM Administration, ikinatuwa ng House Committee on Dangerous Drugs
Umaasa si House Committee on Dangerous Drugs Chairman Congressman Ace Barbers na matutuloy nang amiyendahan ang Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos banggitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang Ikalawang State of the Nation Address (SONA) na ang kampanya laban sa ilegal na droga ay paiigtingin pa ng pamahalaan sa pamamagitan ng bagong mukha.
Mula sa Oplan Tokhang ng Duterte Administration ay gagawin itong Community Base katulong ang Barangay.
Sinabi ni Congressman Barbers na seryoso si Pangulong Bongbong Marcos na labanan ang salot na dulot ng ilegal na droga matapos tanggapin ang pagbibitiw ng mga opisyal ng Philippine National Police ( PNP) na sangkot sa operasyon ng illegal drugs sa bansa.
Ayon kay Barbers itutuloy ng kanyang komite ngayong second regular session ng Kongreso ang panukalang batas na mag-aamyenda sa kasalukuyang Comprehensive Dangerous Drugs Act para mabigyan ng mas matalim na ngipin ang batas.
Inihayag ni Barbers, sa sandaling mabago ang batas laban sa ilegal na droga ay isasama sa kakasuhan at parurusahan ang mga opisyal ng gobyerno partikular ang mga law enforcer na kasabwat ng mga sindikato ng ilegal na droga.
Vic Somintac