Bagong batas ng China sa inaangking teritoryo sa WPS, iimbestigahan ng Senado
Ipatatawag na ng Senate Committee on Foreign Relations sa Huwebes si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr. at iba pang mga eksperto para hingan ng paliwanag kung ano ang ginagawang hakbang ng gobyerno para protektahan ang West Philippine Sea (WPS).
Kasunod ito ng ipinasang bagong batas ng China na nagpapahintulot sa kanilang Coastguard na gamitan ng armas ang mga papasok sa kanilang inaangking teritoryo at wasakin ang mga structure sa loob nito.
Ayon kay Senator Aquilino Koko Pimentel, Chairman ng Senate Committee on Foreign Relations na bukod sa DFA ay inimbitahan din ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Aalamin aniya ng Senado ang posibleng epekto ng naturang batas sa mga mangingisdang pinoy.
Hinimok rin nito ang DFA na madaliin sa ASEAN ang pagbuo ng Code of Conduct sa pinagtatalunang Isla.
Meanne Corvera