Bagong ‘Batman’ movie, nanguna sa North American box office

View of the red carpet for "The Batman" world premiere at Josie Robertson Plaza in New York, March 1, 2022. (Photo by ANGELA WEISS / AFP)

View of the red carpet for “The Batman” world premiere at Josie Robertson Plaza in New York, March 1, 2022. 
ANGELA WEISS / AFP

Nanguna sa North American theaters ang bagong dark film ng Warner Brothers na “The Batman,” para maging unang pelikula ng taon na lumampas sa $100 million sa opening weekend.

Sa ulat ng Exhibitor Relations, ang pinakahuli sa lumalaking koleksiyon ng Batman films, at ‘particularly gloomy’ version na ito na kinatatampukan ng English actor na si Robert Pattinson – ay kumita ng tinatayang $128.5 million para sa Friday-Sunday period. Ang produksiyon ng pelikula ay ginastusan ng tinatayang $200 million.

Ang “Spider-Man: No Way Home” ng Sony, ang tanging iba pang pandemic-era film na lumampas sa $100 million mark sa kaniyang opening weekend, ayon sa mga analysts. Nakapagtala ito ng $260 million sa ticket sales nang magbukas ito noong Disyembre.

Sa “The Batman,” tinutugis ng Caped Crusader (Robert Pattinson) ang isang serial killer (Paul Dano) habang patuloy na nakikipaglaban sa krimen, korapsiyon at sarili niyang mga kaaway. Pinagbibidahan din ito nina Zoe Kravitz, John Turturro, Peter Sarsgaard, Andy Serkis at Colin Farrell.

Bumaba naman sa No. 2 ang Sony adventure film na “Uncharted,” na pinagbibidahan ni Tom Holland bilang isang Indiana Jones-style treasure hunter, kung saan kumita ito ng $11 million – kahit na ang domestic total nito ay lumampas din sa $100 million.

Nasa No. 3 ang Metro Goldwyn Mayer buddy comedy “Dog” na kumita ng $6 million. Ginagampanan dito ni Channing Tatum ang isang war-wounded US Army Ranger na pumayag na ipagmaneho si Lulu, isang aso na nasaktan habang kasama ang militar sa Afghanistan, para daluhan ang libing ng dati niyang handler.

Pang-apat sa puwesto ang popular pa ring “Spider-Man: No Way Home,” na kumita ng $4.4 million sa domestic ticket sales sa ika-12 linggo nito. Ang kaniyang international earnings ay halos nasa $1 billion na.

Mula sa 4th place noong nakaraang linggo ay bumaba sa fifth place ang 20th Century Fox murder mystery na “Death on the Nile,” na kumita ng $2.7 million. Kinatatampukan ito ni Kenneth Branagh (na siya ring direktor ng pelikula) bilang Belgian detective na si Hercule Poirot na halaw sa 1937 Agatha Christie novel.

Narito naman ang kukumpleto sa top 10:

“Sing 2” ($1.5 million)

“Jackass Forever” ($1.4 million)

“Cyrano” ($683,000)

“Scream” ($570,000)

“Marry Me” ($530,000)

Please follow and like us: