Bagong Bypass road sa La Union, binuksan na ng DPWH
Binuksan na ang 8.72-km San Fernando-San Juan Section ng Bauang-San Fernando-San Juan By-Pass Road sa La Union.
Pinangunahan ni Public Works and Highways
Secretary Mark Villar ang ceremonial drive-thru sa bagong bypass road kasama si La Union 1st District Congressman Pablo Ortega at DPWH Region 1 Director Ronnel Tan.
Sa pamamagitan ng bagong Bypass Road na ito, inaasahang luluwag ang Manila North Road sa San Fernando City at San Juan.
Malaking tulong rin ito lalo na sa mga magsasaka sa probinsya.
Kaugnay nito, pinuri ni Villar ang mga accomplishments ng DPWH Region 1 na nakapag-ambag ng malaki sa pag-unlad ng Ilocos Region.
“I’m really thankful for DPWH Region 1 under the outstanding leadership of Director Tan. May his demonstrated ability, kind of work ethic, and determination inspires others to go above in performance.” pahayag ni Villar.
Ayon kay Tan, kabilang din sa proyekto ang pagtatayo ng 4-lane Talogtog Bridge na may habang 46.70 lineal meters at pagtatayo ng Abut Bridge na may habang 21.20 lineal meters.
Tinatayang aabot sa 32,000 motorista aniya ang makikinabang sa bagong daan na ito araw-araw at magpapaluwag sa Manila North Road sa bahagi ng San Fernando City at San Juan.
Mula sa dating 30 minuto na travel time, inaasahang magiging 15 minuto na lang ito.
Nabatid na aabot na sa P810 milyon ang nailaang pondo ng DPWH para sa proyekto.
Madelyn Moratillo