Bagong Chief Justice Alexander Gesmundo, nanumpa na sa pwesto
May bago nang Punong Mahistrado ang Korte Suprema.
Ito ay si dating Associate Justice Alexander Gesmundo.
Nanumpa sa pwesto si Gesmundo bilang ika- 27 Chief Justice matapos na kumpirmahin ng Malacañang na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang appointment papers ng mahistrado.
Si Senior Associate Justice Estela Perlas- Bernabe na nagsilbing Acting Chief Justice ang nagpanumpa kay Gesmundo.
Si Gesmundo ay itinalagang associate justice ng Supreme Court noong 2017 ni Pangulong Duterte.
Bago siya napunta sa Korte Suprema ay nagsilbi siyang associate justice ng Sandiganbayan mula 2005.
Pumasok siya sa government service noong 1985 bilang trial attorney sa Office of the Solicitor General.
Pinarangalan din si Gesmundo bilang Most Outstanding Solicitor noong 1998 at noong 2002 ay na-promote siya bilang Assistant Solicitor General.
Nagtapos siya ng abogasya sa Ateneo de Manila University noong 1984.
Kumpiyansa ang Palasyo sa kakayanan ni Gesmundo para pamunuan ang hudikatura, mapanaig ang judicial excellence at independence, at matiyak ang pag-iral ng rule of law sa bansa.
Moira Encina