Bagong Chief Justice Lucas Bersamin, umapela sa mga kawani at opisyal ng Korte Suprema na suportahan at tanggapin ang pagkakahirang sa kanya sa puwesto
Hindi hihingi ng paumanhin si bagong Chief Justice Lucas Bersamin sa pagkakahirang sa kanya sa puwesto.
Una nang kinuwestyon ng oposisyon ang pagkakapili sa kanya dahil hindi naman siya ang most senior Justice ng Korte Suprema na sinabi dati ni Pangulong Duterte na magiging batayan sa pagtatalaga ng Chief Justice.
Sa kanyang talumpati matapos ang una niyang flag raising ceremony bilang Punong Mahistrado, sinabi ni Bersamin na alam niya na marami sa mga opisyal at kawani ng Korte Suprema ay hindi siya ang inaasahang maging susunod na Chief Justice.
Itinuturing ni Bersamin na isa siyang “accidental Chief Justice” pero iginiit na hindi ito “Statement of Apology.”
Nailagay aniya siya sa pwesto dahil siya ay in-appoint ng Pangulo.
Ito ay sapat na anya para matuldukan ang mga ispekulasyon ng ilan kung karapat-dapat ba siyang maging Punong Mahistrado.
Ayon kay Bersamin, dapat din anyang magtiwala sa wisdom ng Pangulo bilang appointing authority sa paghirang sa kanya.
Kaugnay nito, nanawagan si Bersamin sa mga empleyado ng SC na tanggapin at suportahan ang kanyang appointment lalo na’t 11 buwan lang naman siya sa posisyon.
Hinimok din ni Bersamin ang ilan na may reserbasyon o pag-aalinlangan pa rin sa kanya na kausapin siya.
Tiniyak ni Bersamin na itutuloy niya ang mga nasimulan ni dating Chief Justice Teresita De Castro.
Ipinunto pa ni Bersamin na hindi na dapat isipin ang nangyari sa nakaraan ng SC dahil ito ay irrelevant na at ito na ang bagong simula.
Ulat ni Moira Encina