Bagong community quarantine protocol para sa Pebrero, masusing pag-aaralan ng IATF
Isasailalim sa masusing pag-aaral ng Inter Agency Task Force (IATF) kung anong community quarantine protocol ang ipatutupad sa ibat-ibang panig ng bansa sa pagpasok ng Pebrero.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na pangunahing batayan pa rin ng IATF sa re-classification ng ipatutupad na community quarantine ang attack rate ng COVID-19 sa lugar at ang health care utilization.
Ayon kay Roque, bukod sa attack rate ng COVID- 19 at health care utilization, titingnan din ng IATF ang epekto ng United Kingdom (UK) variant ng COVID -19 na nakapasok na sa bansa partikular sa Bontoc, Mountain Province para sa irerekomendang community quarantine protocol kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ni Roque sa ulat ng Department of Health (DOH) kay Pangulong Duterte, tumaas ang kaso ng COVID-19 sa loob ng dalawang linggo ngayong Enero sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 1 ,2, 3, 4A, 7, 8, 9, 10, 11 at CARAGA Region.
Magugunitang dahil sa kaso ng UK variant ng COVID-19 na naitala sa bansa, hindi pinagtibay ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng IATF na payagan nang makalabas sa bahay ang mga batang nasa 10 taong gulang pataas.
Vic Somintac