Bagong COVID-19 aid package, inanunsyo ng Canada
OTTAWA, Canada(AFP) – Inanunsyo ng Canada nitong Lunes, ang Can$458 million ($380 million) aid package, para tulungan ang developing countries sa paglaban sa coronavirus pandemic.
Ayon sa international development minister na si Karina Gould, sa nasabing halaga, Can$230 million ang mapupunta sa UNICEF, ang children’s agency ng United Nation, para ipambili ng tinatayang tatlong milyong treatments base sa bagong therapeutic antibodies, sa sandaling makumpleto na ang clinical trials at matanggap na ang approvals.
Sa isang press conference ay sinabi ni Gould, “The faster we can get tests, treatments and vaccines out to people, the sooner this pandemic can be contained.”
Mamumuhunan din aniya ang Ottawa ng dagdag na Can$255 million para suportahan ang plano ng World Health Organization (WHO), na mamahagi ng bakuna at therapeutic products, partikular sa Latin America at sa Caribbean.
Ang programa na tinawag na ACT-Accelerator, ay magbibigay ng katiyakan sa pantay na distribusyon ng mga bakuna at iba pang eventual treatments sa buong mundo.
Subalit ayon sa WHO, ang programa ay mangangailangan ng immediate $4.3 billion, ngunit kulang ang natatanggap na pondo.
Dahil sa pinakahuling aid package na ito, ang kasalukuyang kontribusyon ng Canada sa paglaban sa pandemya sa developing countries, ay may kabuuan nang Can$865 million.
© Agence France-Presse