Bagong daan sa isang isolated na barangay sa Samar, binuksan na ng DPWH
Hindi na lang mga bangka ang maaring sakyan ng mga residente papunta sa Barangay San Pelayo sa munisipalidad ng Gandara, Samar.
Ito ay matapos makumpleto ng DPWH ang konstruksyon ng bagong kalsada na nagkukonekta sa nasabing isolated na lugar sa pinakamalapit na barangay.
Ayon sa report ng DPWH Region 8 Director Nerie Bueno, ang bagong 3.64-kilometer road na nagkukonekta sa Barangay San Agustin sa Barangay San Pelayo ay pinapakinabangan na ng mahigit 1700 residente.
Sinabi pa ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar, maari nang makadaan ang mga residente sa Brgy San Agustin at maging ligtas mula sa panganib ng pagsakay sa bangka lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Nang wala pa ang bagong kalsada ay kailangan pa ng mga residente ng Brgy San Pelayo na sumakay sa mga maliliit na bangka o kaya ay maglakad sa makipot na daan sa palayan.
Nagkakahalaga ng 100 milyong piso ang bagong daan.
Inaasahan din na makakatulong ito para mapadali ang transportasyon ng mga agricultural products at makaagapay sa lokal na ekonomiya ng Gandara, Samar.
Ulat ni Moira Encina