Bagong dating na 3 milyong doses ng Sinovac vaccine, ipamamahagi sa labas ng NCR
Dumating na sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 kagabi ang karagdagang 3 milyong doses ng Sinovac vaccine na binili ng pamahalaan.
Ang mga bakuna ay sinalubong nina National Task Force (NTF) Against Covid-19 chief, Secretary Carlito Galvez Jr. at Department of Health Undersecretary Carolina Taiño.
Ayon kay Galvez, magiging bahagi ang mga bakuna ng recalibrated vaccine deployment ng gobyerno para sa mga nasa labas ng Metro Manila.
Ipamamahagi aniya ang mga bakuna sa Regions 1, 4-A, 3, 6, 7, 9, at 11.
Umaasa si Galvez na sa katapusan ng buwang ito ay maaabot na ang 30% fully vaccinated sa target population.
Sa ngayon, nasa 26% pa lamang mula sa 70 milyong target population ang nababakunahan kontra Covid-19.
Katumbas ito ng nasa 23,609,600 sa first dose at 20,205,826 naman sa second dose.
Sa kasalukuyan, nasa kabuuang 69,699,340 doses na ng iba’t-ibang brand ng bakuna ang natanggap ng bansa.
Sinabi pa ni Galvez na kapag naabot na ng bansa ang 50 percent population protection ay maaari nang simulan ang pagbabakuna sa mga menor de edad.