Bagong guidelines para sa kanselasyon ng klase kapag may bagyo at kalamidad, inilabas ng DepEd
Nag-isyu ang Department of Education (DepEd) ng mga bagong panuntunan sa pagsususpinde ng klase sa panahon ng bagyo at iba pang kalamidad.
Batay sa DepEd Order No. 37 na pirmado ni Vice-President at Education Secretary Sara Duterte, inilabas ang kautusan para magsilbing gabay sa kanselasyon ng pasok sa mga paaralan kapag may kalamidad upang mailayo sa panganib ang mga estudyante, guro, at non-teaching personnel.
Isa sa mga nakasaad sa guidelines ay otomatikong kanselado ang in-person at online classes sa mga eskuwelahan sa LGUs na nasa ilalim ng Storm Signals 1 hanggang 5 ng PAGASA kapag may bagyo.
Alinsunod pa sa memorandum, kung inisyu ang storm signal na nagsimula na ang klase ay dapat agad na suspendihin ang pasok at pauwiin ang lahat nang ligtas.
Pero responsibilidad ng paaralan na matiyak ang kaligtasan ng lahat kung hindi ligtas na bumiyahe.
Ayon pa sa DepEd, ang mga mayor ay maaaring magkansela ng klase kung may malakas na hangin sa lugar na hindi dulot ng bagyo.
Kung mayroon naman na malakas na pag-ulan sa mga lugar na nasa ilalim ng Yellow, Orange, at Red Rainfall Warning ng PAGASA, otomatikong kanselado na rin ang klase.
Kasama rin sa memo ang guidelines kapag may mga pagbaha at flood warning.
Gayundin ang mga panuntunan kapag may lindol.
Moira Encina