Bagong Ilagan public market, modelo ng kalinisan at kaayusan
Masaya si Department of Trade and Industry (DTI) Regional Director Leah Ocampo, matapos mag-ikot sa bagong Ilagan public market sa Ilagan city, Isabela, upang tingnan ang kalagayan hindi lamang ng presyo ng mga paninda, kundi kung nasusunod ba ang mga panuntunan sa isang pampublikong pamihilan, gaya ng paglalagay ng tamang presyo sa bawat paninda kasama na rito ang pagkakaroon ng timbangang bayan.
Nasorpresa si Ocampo sa nakitang kaayusan sa palengke ng lungsod, maging ang masinop na pamamalakad sa public market.
Unang nitong inikot ang bahagi ng gulayan, sunod ang nagtitinda ng isda at karne at dry goods section.
Kinilatis din ng DTI ang price board na nakalagay sa gitna ng public market.
Ayon kay market supervisor Gerry Manguira, sinusunod lamang nila ang kanilang time table upang mapanatili sa kaayusan ang loob ng pamilihan, kasama rito ang pagtitiyak na tama ang timbangan ng bawat vendor upang masiguro na kapwa napoprotektahan ang karapatan ng mga mamimili at nagtitinda.
Suportado naman ni DTI Provincial Director Winston Singun, ang pagpapalakas at pagpapatatag pa ng bawat palengke sa lalawigan mula sa pagtulong sa mga vendors, at implementasyon ng mga regulasyon na ipinatutupad ng kanilamg kagawaran.
Matapos ang ginawang pagsisiyasat ng DTI sa mga pangunahing bilihin sa public market, wala namang nasumpungang lumabag sa ipinatutupad na regulasyon ng kagawaran, kaugnay ng presyo ng mga paninda sa nabanggit na pamilihan.
Ulat ni Erwin Temperante