Bagong law curriculum, inilunsad ng Legal Education Board
Hindi na magiging bar-centric o nakatuon sa pagpasa sa bar exams ang legal education sa bansa.
Ito ang inihayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa paglulunsad ng Legal Education Board (LEB) sa Revised Model Law Curriculum (RMLC).
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Gesmundo na “student- and society-centered” na ang bagong law curriculum kaya magiging “practice-ready” na ang mga law students.
Idinagdag sa RMLC ang Clinical Legal Education Program (CLEP) component sa basic law curriculum sa lahat ng law schools.
Tutuon ang CLEP sa practical skills at sa limited practice sa ilalim ng Rules of the Court.
Kabilang dito ang training sa drafting at submission ng mga pleadings at dokumento sa hukuman, mediation at iba pang alternative dispute resolution mechanisms, legal counseling, court appearances, apprenticeships, externships, at internship programs.
Kaugnay nito, inilunsad din ng LEB ang website ng Clinical Legal Education Program (CLEP).
Magsisilbi itong portal sa lahat ng mahahalagang impormasyon at resource materials sa CLEP at sa Revised Law Student Practice Rule.
Sinabi ni Gesmundo na ang tungkulin ng mga law schools ay hindi lang mapa-graduate ang mga law students at hindi lang matiyak na makapasa ang mga ito sa bar exams.
Gampanin din aniya ng law schools at nasa legal education community na masiguro na magtataglay ang mga estudyante ng mga kinakailangan kakayanan para maging mga lider ng bansa sa hinaharap.
Moira Encina