Bagong national security law ng Hong Kong may kaakibat na mabigat na parusa
Ibinunyag na ng Hong Kong ang isang bagong national security law draft bill, na kinapapalooban ng life sentences para sa mga paglabag gaya ng treason at insurrection.
Ang bagong bill ay nakatakdang maging pangalawang pambansang batas sa seguridad ng lungsod kasunod ng ipinataw ng Beijing noong 2020, matapos sugpuin ang malalaki at kung minsan ay marahas na democracy protests.
Kasama sa talaan ng “Safeguarding National Security Bill,” na pormal na ipinakilala ngayong Biyernes ng umaga ang limang bagong categories of offences, na kinabibilangan ng treason, insurrection, espionage, sabotaging national security at external interference.
Iminungkahi ng mga awtoridad ang habambuhay na pagkakakulong bilang pinakamataas na parusa para sa pagtataksil, pag-aalsa, sabotahe na nagsasapanganib sa pambansang seguridad, at pag-uudyok sa mga miyembro ng sandatahang lakas ng China na mag-alsa.
Inayos din ng panukalang batas ang colonial-era crime of sedition ng Hong Kong, upang isama na ang pag-uudyok ng galit laban sa Komunistang pamumuno at sosyalistang sistema ng China, habang dinagdagan naman ang pinakamataas na parusa mula dalawang taon ay ginawang pito.
Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring hilingin sa korte ng mga awtoridad na ikulong ang isang tao na naaresto ng hanggang 16 na araw nang walang kaso, at pagbawalan ang mga ito na kumonsulta sa mga abogado habang sila ay nakapiit.
Tulad ng hinalinhan nito, ang bagong batas sa seguridad ay nagsasaad na ang offences ay aplikable rin sa mga bagay na ginawa sa labas ng Hong Kong.
Sa isang bahagi na mahigpit na binabantayan ng foreign business community ng Hong Kong, ang draft ay nagmumungkahi ng isang ‘multipronged definiton’ ng “state secrets” na sumasaklaw hindi lamang sa teknolohiya kundi sa “major policy decisions” at sa “economic at social development” ng siyudad.
Ginagawa na ring isang krimen sa draft ng panukalang batas ang labag sa batas na pagkuha, pagmamay-ari at pagsisiwalat ng mga lihim ng estado, bagama’t nag-aalok ito ng pagtatanggol sa “pampublikong interes” sa ilalim ng mga partikular na kundisyon.
Minadali ng Hong Kong authorities ang panukalang batas makaraang mag-alok ng isang public consultation period na isang buwan, at inihayag ito siyam na araw pagkatapos ng konsultasyon.
Ang panukalang batas ay ipinakilala sa lehislatura ng lungsod ngayong Biyernes ng umaga.
Sinabi ng pinuno ng lungsod na si John Lee na ginampanan ng lungsod ang “responsibilidad nito sa konstitusyon” na bumuo ng sarili nitong batas sa seguridad ayon sa iniaatas ng Artikulo 23 ng Basic Law, ang mini-constitution ng Hong Kong mula nang ibigay ito sa China mula sa Britain noong 1997.
Ayon pa kay Lee, “It was the ‘general consensus’ of residents that the law be passed ‘as soon as possible,’ particularly after the protests in 2019.”
Sinabi ng gobyerno na nakatanggap ito ng 99 na porsiyentong support rate mula sa 13,000 lumahok sa kanilang public consultation period.
Itinuring naman ng Hong Kong officials na “sadyang pagdungis” ang mga pagtutol at pag-aalala kaugnay ng paglabag sa karapatan mula sa local at overseas activists at maging ng Western countries.
Sinasabi ng mga kritiko na inalis ng umiiral na batas sa seguridad ang pampulitikang oposisyon at civil society ng Hong Kong, kung saan ang mga pulitiko at aktibistang maka-demokrasya ay ikinulong, pinatahimik o sapilitang ipinatapon.
Malapit na sa 300 katao ang inaresto at mahigit sa 170 ang kinasuhan simula nang magkabisa ang Beijing-imposed security law.