Bagong Quarantine Classification sa bansa, ihahayag ni Pangulong Duterte pagkatapos ng meeting sa Inter- agency task force
Malalaman ngayon ang bagong quarantine classification sa bansa partikular sa National Capital Region o NCR pagkatapos ng pakikipagpulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Inter Agency Task Force o IATF.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na titimbangin ng Pangulo batay sa scientific data ang magiging desisyon sa ipatutupad na bagong quarantine protocol mula December 1 hanggang December 30.
Inihayag ni Roque na ipinarating na ng mga Metro Manila Mayors ang kanilang posisyon sa IATF na panatilihin sa General Community Quarantine o GCQ ang NCR hanggang sa katapusan ng December dahil sa pangambang lolobo ang kaso ng COVID 19 nitong holiday season hanggang sa pagsaluubong sa bagong taon.
Ayon kay Roque inirekomenda rin ng OCTA Research Team sa IATF na panatilihin din sa GCQ ang NCR hanggang sa katapusan ng December dahil kapag inilagay sa Modified General Community Quarantine o MGCQ ang Metro Manila ay baka lalong lolobo ang kaso ng COVID 19 .
Sapagkat batay aniya sa kanilang pagtaya ay aabot sa 480,000 hanggang 500,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa pagpasok ng Enero ng susunod na taon.
Vic Somintac