Bagong quarantine classification sa NCR plus sa May 15 pag-aaralan pa ng IATF
Wala pang nabubuong rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Inter Agency Task Force o IATF para sa bagong quarantine classification sa National Capital Region o NCR kasama ang Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na ipapatupad sa May 15.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na magpupulong pa ang IATF kasama ang mga Metro Manila Mayors kung aalisin na ang Modified General Community Quarantine o MGCQ at ilalagay na sa General Community Quarantine o GCQ ang NCR plus.
Ayon kay Roque ibabatay parin ng IATF sa scientific formula at attack rate ng COVID-19 kasama ang health care utilization ang pagpapasya kung luluwagan na ang quarantine protocol sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Sa May 14 ay magtatapos na ang MGCQ protocol na ipinatutupad sa NCR plus kaya inaasahan na magbibigay ng bagong quarantine protocol si Pangulong Duterte.
Kaugnay nito bagamat nakikita ng mga health experts ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila dahil sa ipinatupad na mahigpit na quarantine protocol hinihiling ng OCTA research team sa IATF na palawigin pa ng dalawang linggo ang ipinatutupad na MGCQ sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil nanatiling mataas parin ang bilang ng mga tinatamaan ng Corona virus.
Vic Somintac