Bagong quarantine protocol para sa Hunyo, iaanunsyo mamayang gabi ni PRRD
Malalaman mamayang gabi mula kay Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong quarantine classification para sa National Capital Region Plus at iba pang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na gagawin ito sa lingguhang Talk to the People ng Pangulo.
Ayon kay Roque kasama rin sa inaasahang ihahayag ng Pangulo ang mga rekomendasyon ng Inter Agency Task Force hinggil sa mga negosyong dahan-dahang bubuksan at luluwagan sa NCR Plus.
Inihayag ni Roque na ang usapin naman sa extension ng travel ban sa India at kalapit na bansa ay dedesisyunan din ng Pangulo.
Ang rekomendasyon ng IATF ay palawigin pa ito ng hanggang June 15.
Samantala bago ang IATF meeting mamayang gabi, magpupulong muna sina Pangulong Duterte at Cebu Governor Gwen Garcia.
Niliwanag ni Roque na ang agenda ng pagpupulong ng Pangulo at ni Garcia ay ang protocols na ipatutupad sa mga inbound travelers kasama na ang returning Filipinos at Overseas Filipino Workers sa lalawigan ng Cebu.
Matatandaang pina-divert muna sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang lahat ng international flights na lalapag sa Cebu hanggang June 5 dahil sa kakapusan ng mga hotel doon para sa quarantine protocol para sa mga dumarating na Filipino galing ng ibang bansa.
Vic Somintac