Bagong SC Justice Jose Midas Marquez, nanumpa na sa puwesto
Makaraan ang ilang taon na pagtatangka na maging isa sa 15 mahistrado ng Korte Suprema ay ganap nang Associate Justice ng Kataas- taasang Hukuman si Court Administrator Jose Midas Marquez.
Hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte si Marquez kapalit ni Justice Edgardo delos Santos na nagretiro noong Hunyo.
Si Marquez ang ika- 192 associate justice ng Supreme Court.
Pormal nang nanumpa si Marquez sa posisyon nitong Martes ng hapon sa harap ni Chief Justice Alexander Gesmundo.
Isang court insider si Marquez dahil nagsimula ang kanyang karera sa SC noong 1991 bilang summer apprentice na nagsasagawa ng legal research sa tanggapan ng isang associate justice habang ito ay nasa law school pa.
Kalaunan ay naging regular law clerk si Marquez ng ilang mahistrado ng Korte Suprema hanggang sa mahirang na Court Administrator.
Naging tagapagsalita din ng Korte Suprema at chief of staff ng Office of the Chief Justice si Marquez.
Nagtapos ng kursong Economics si Marquez noong 1987 at Juris Doctor degree noong 1993 sa Ateneo de Manila University.
Nakapasa sa bar examinations si Marquez noong 1994.
Sa edad na 55 taong gulang, isa si Marquez sa dalawang pinakabatang incumbent SC justice kasama ni Justice Ramon Paul Hernando.
Sa pagkakatalaga ni Marquez, 12 sa 15 mahistrado ng Korte Suprema ang appointees ni Pangulong Duterte.
Moira Encina