Bagong ‘Star Wars’ film na ‘Rogue Squadron,’ ipalalabas sa 2023
LOS ANGELES, United States (AFP) – Inanunsyo ng Disney ang isang bagong “Star Wars” film mula sa direktor ng “Wonder Woman” at ilang bagong TV series sa sci-fi franchise, kabilang ang dalawang spin-offs mula sa creators ng smash hit na “The Mandalorian.”
Si Patty Jenkins ang magdidirek sa “Rogue Squadron,” na nakaset-up sa isang “future era of the galaxy” at siyang susunod na “Star Wars” movie release na naka-schedule para sa December 25, 2023.
Sinabi ni Kathleen Kennedy, presidente ng Lucas film, na sa istorya ay ipakikilala ang bagong henerayon ng starfighter pilots, sa isang “boundary-pushing, high-speed thrill ride.”
Agad na ipinost ni Jenkins sa kaniyang Twitter account ang isang video kung saan makikitang suot niya ang isang “Star Wars” starfighter helmet at nagmamartsa papunta sa isang X-wing, habang sinasabing inspirasyon niya ang kaniyang ama na isang air force pilot.
Aniya, ang pagkamatay ng kaniyang ama habang nagsisilbi sa bayan, ang bumuhay sa kaniyang pagnanasa na isang araw ay makagawa ng “greatest fighter pilot movie of all time.”
Si Jenkins ang magiging kaun-unahang babae na magdidirek ng isang “Star Wars” feature film.
Inanunsyo rin ni Kennedy ang “Rangers of the New Republic” at “Ahsoka,” series para sa Disney+ streaming platform, na ididevelop ni Jon Favreau at Dave Filoni, na sabay-sabay na sisimulan at magbabahagi ng storylines sa kanilang “Mandalorian” show na siyang naglunsad sa lubhang popular na Baby Yoda character.
Ayon kay Kennedy, “These interconnected shows, along with future stories, will excite new audiences, embrace our most passionate fans and will culminate in a climactic story event.”
Isa pang bagong serye ang “Lando,” na batay sa fan favorite na Lando Calrissian mula sa orihinal na “Star Wars” film trilogy. Gagawin ito ng “Dear White People” creator na si Justin Simien.
Sinabi naman ng nagbabalik na si Diego Luna, na ang nauna nang inanunsyong “Rogue One” spinoff Disney+ series na pinamagatang “Andor,” ay nagsimula na ng produksyon sa London.
Kasama sa cast ng “tense, nailbiting spy thriller” na ginawa ng “Bourne Identity” screenwriter na si Tony Gilroy, sina Stellan Skarsgard at Fiona Shaw.
Magbabalik naman bilang Darth Vader si Hayden Christensen sa “Obi-Wan Kenobi,” isa pang nauna nang inanunsyong Disney+ series, na katatampukan din ng nagbabalik na si Ewan McGregor. Magsisimula ang produksyon nito sa Marso.
Samantala, ang isang “Star Wars” mystery thriller na may pamagat na “The Acolyte” ay ididirehe ng “Russian Doll” co-creator na si Leslye Headland na naka-set sa “final days of the high Republic era.”
Sa simula ng investor day ng Disney, ay sinabi ni Kareem Daniel, head ng distribution unit ng kompanya, ang mga planong mag-release ng may 10 Marvel series, 10 ‘Star Wars’ series” maging ng 15 Disney series at 15 Disney films sa Disney+ sa mga susunod na taon.
Kinumpirma rin ni Kennedy na kasalukuyang isinusulat ni Taika Waititi (“Jojo Rabbit”) ang isa pang “Star Wars,” movie kung saan idinagdag nito na ang magiging approach ni Taika sa ‘Star Wars’ ay “bago, hindi inaasahan, at kakaiba.”
© Agence France-Presse