Bagong talagang hepe ng PNP hindi magpapatupad ng reshuffle
Hindi magpapatupad ng malawakang balasahan ang Philippine National Police, kasabay ng pag-upo ng bagong nilang hepe.
Ito ang binigyang-diin ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa una niyang press conference kaninang umaga.
Ayon sa heneral, magiging unstable ang kanilang mga unit kung magpapatupad sya ng malawakang balasahan.
Sa ngayon aniya ay maayos naman ang performance ng kanilang mga commander, at wala namang kasalanan ang mga ito kaya hindi silang kailangan ilipat ng pwesto.
Kung hindi kaya ng ibang commander na gawin ang kanilang trabaho ay saka lang sila papalitan ng mas mahusay na opisyal.
Sa unang command conference kaninang umaga ay binigyang-diin ng General Marbil sa kanilang mga regional director at unit commander, na maging mabuting halimbawa at gawin nang tama ang kanilang trabaho.
Nais din ni Marbil na mas paigntingin pa ang kanilang kampanya laban sa lahat ng uri ng krimen kabilang na ang ilegal na droga.
Nais nya na makamit drug-free Philippines, pero naniniwala ang opisyal na hindi na kailangang magdeklara pa ng war on drugs para bigyang-diin ang operasyon.
Hindi rin siya magpapatupad ng quota system para hindi ma-pressure ang kanilang mga field commander.
Ang nais nya ay ang tapat at maayos na operasyon laban sa ilegal na droga.
Mar Gabriel