Bagong tracking system, ilalabas na ng DFA
Binigyang-diin ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Civilian Security and Consular Affairs Brigido Dulay, na patuloy silang nag-iisip ng paraa n upang lalong mapagbuti ang kanilang serbisyo sa publiko na nag-a-apply at nagre-renew ng kanilang pasaporte.
Ayon kay Dulay . . . “Itong araw na ito ilalabas na namin ang Unified Passport Tracking System para isa na lang ang pupuntahan nilang portal, at makita nila kung ano na ang nangyari sa passport nila.”
Nilinaw ng opisyal na 12 working days ang turnaround time sa passport processing, at sa pamamagitan ng nasabing tracking system ay maaaring malaman ng aplikante kung nasa anong stage na ang kanilang application.
Halos dumoble ang bilang ng ipino-prosesong passports ng DFA, mula nang lumuwag ang Covid restrictions sa Pilipinas, at mga pagbabago na rin sa restriksiyon sa iba pang mga bansa.
Ayon kay Dulay . . . “Pre-pandemic, it’s around 4.7 million, then noong 2020, bumagsak ito sa 1.2 million, right now in 2021 ang count namin is already at around 2 million.”
Nagkaroon aniya ng backlogs ang DFA dahil sa pagsunod sa IATF guidelines kaugnay ng pandemya.
Dumagsa ang mga aplikante dahil sa kagustuhan ng marami na makabiyahe, kaya kumilos din ang DFA upang matugunan ito.
Sinabi ng opisyal, na inatasan sila si Secretary Teddy Locsin na magtatag ng additional sites o ang tinatawag ng DFA na Temporary Offsite Passport Services (TOPS).
Samantala, humingi ng paumanhin sa publiko si Dulay dahil sa kapalpakan ng nauna nilang courier service provider o QRS.
Nais din aniya ni Locsin na magkaroon ng iba pang pagpipilian ang mga aplikante, dahil sa ngayon ay ang Air21 ang katuwang ng kagawaran sa deliveries ng mga pasaporte.
Nagbabala rin si Dulay laban sa mga fixer o “appointment setter” na naniningil sa mga aplikante para magkaroon ng appointment sa DFA.
Aniya, libre ang appointment setting at ang aplikante mismo ang dapat na mag-asikaso nito para na rin makaiwas sa mga fixer na ang iba ay namemeke ng mga dokumento.
Paalala rin ng DFA, namamalaging 950 pesos ang regular na presyo ng passport application at renewal.