Bagong variant ng coronavirus natuklasan sa France
Pinag-aaralan na ngayon ang isang bagong variant ng coronavirus na natuklasan sa France.
Ayon sa IHU Mediterranee hospital sa Marseille, isang traveler galing Cameroon na bumalik sa France noong Disyembre ang nagtataglay ng B.1640.2 variant at nahawaan nito ang 12 kataong nakasalamuha nito.
Sa ngayon, ay pinangalanan itong IHU variant.
Sa isang pag-aaral na hindi pa dumaan sa peer review, ang bagong variant umano ay may 46 na mutations at 36 na deletions.
Hindi pa matukoy kung gaano kapanganib ang bagong variant at kung mas nakahahawa ba ito kumpara sa mga naunang variant.
Naniniwala naman ang pinuno ng University Hospital Dusseldorf Institute of Virology na si Jong Timm, na hindi masyadong mapanganib ang IHU variant.
Aniya . . . “The variant was first described a little while ago and hasn’t become more prominent in areas where a lot of sequencing is being done. It hasn’t spread widely.”
Sinabi ni Timm na iba ito sa Omicron na noong una pa lang ay nalaman nang mabilis ang transmission.
Dagdag pa niya . . . “Nobody expects that the B.1640.2 variant will cause truly significant problems. Of course you’ll have to add a small question mark to that, but this is my current view of it.”
Sinabi ng World Health Organization na nasa radar nila ang nabanggit na variant, nguni’t hindi ito dapat ikabahala.