Bagsakan ng Bayan Market isinusulong sa Kamara
Itinutulak ni Negros Occidental Congressman Jose Francisco Benitez ang pagkakaroon ng Bagsakan ng Bayan Market sa bawat probinsiya sa buong bansa.
Ito ang nilalaman ng House Bill 4303 na inihain sa Kamara ni Congressman Benitez.
Ayon kay Benitez ang kanyang panukalang batas ay naaayon sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA na palakasin ang sektor ng agrikultura at nangako ng mas mataas na investment sa imprastraktura upang mapagtibay ang agricultural value chain na nagsisimula sa mga magsasaka hanggang sa mga mamimili.
Naniniwala si Benitez na sa pamamagitan ng Bagsakan ng Bayan masusuportahan ang lokal na industriya at mababawasan ang wastage o pagkasayang at pagkasira ng mga produktong-agrikultural.
Kapag naging ganap na batas ang Department of Agriculture o DA sa koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan ay magtatayo ng Bagsakan ng Bayan kung saan uubra ang bentahan ng iba’t ibang produktong agrikultural gaya ng mga prutas, gulay, karne, manok, isda at iba pa.
Niliwanag ni Benitez na puwede rin ang mga non-perishable na produkto, pero hindi dapat lumagpas ng 30 percent ng kapasidad ng Bagsakan ng Bayan at mayroong sapat na pasilidad at imprastraktura tulad ng warehouse o bodega, ripening room, cold storage, lugar para sa sorting at grading.
Vic Somintac