Bagyo sa labas ng PAR wala pang direktang epekto sa bansa; Ilang bahagi ng Luzon, uulanin dahil sa Habagat
Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Tropical Storm na may international name na Champi.
Ayon sa weather bureau, huling namataan ang bagyo sa layong 1,970 kilometers Silangan ng Extreme Northern Luzon.
Kumikilog ito pa Hilaga, Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kph.
Wala pang direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa ang bagyo pero kung bahagya pa itong aakyat ay posibleng magpalakas o hatakin ito ng Habagat at magpapaulan sa Northern at Central Luzon.
Ngayong Huwebes, asahan ang mga maulap na papawirin na may mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon dahil sa Habagat partikular ang western section ng Luzon.
Kabilang dito ang Northern Palawan kasama ang Kalayaan Islands, Oriental Mindoro, Bataan, Zambales, Ilocos region, Abra, Benguet, Apayao, Batanes at malaking bahagi ng Cagayan.
Ang Metro Manila ay natitirang bahagi ng bansa ay may tsansa ng panandaliang pag-ulan ganundin ang sa Visayas at Mindanao.
Bagamat maulap ang papawirin, magiging mainit pa rin sa Cagayan kung saan inaaasahang papalo sa 36 degree celsius ang temperatura habang 33 degree celsius naman sa Metro Manila.
Sa buwan ng Hulyo, sinabi ng PAGASA na asahan ang below normal rainfall sa Northern Luzon at western section ng Central Luzon kabilang ang Zambales, Tarlac at Bataan.
Ibig sabihin nito ay kakaunti ang mga pag-ulang mararanasan kumpara sa karaniwang pag-ulan na nararanasan tuwing ganitong panahon.
Habang sa ilang bahagi naman ng bansa ay normal ang mga pag-ulan.
Inaasahang hanggang 3 bagyo ang mararanasan sa susunod na buwan.