Bagyong Auring, isa nang Tropical Storm
Lumakas pa bilang isang Tropical storm ang bagyong Auring.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pag-Asa), magdadala ang bagyo ng matinding pag-ulan sa Visayas, mga rehiyon ng Caraga, Northern Mindanao, Bicol, Calabarzon, mga lalawigan ng Davao Oriental, Davao de Oro, Davao del Norte, Lanao del Sur, Mindoro provinces, Marinduque, Romblon, Northern Palawan kabilang ang Calamian at Cuyo Islands sa Linggo hanggang Lunes.
Huling namataan ang Tropical storm Auring sa layong 685 kilometers Silangan, Timog-Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur na may lakas ng hanging aabot sa 65 KPH malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 80 KPH.
Ilang mga lugar sa Mindanao ang posibleng isailalim sa Signal no. 1 bukas gaya ng Caraga at Davao region dahil sa epektong maaaring idulot ng bagyo.
Magiging napakaalon din ng mga karagatan sa Northern Luzon at Eastern seaboards ng Central at Southern Luzon, Visayas at Mindanao dahil sa daluyong na dala ng Amihan at ng bagyong Auring.
Dahil dito, nagbabala ang weather bureau na magiging mapanganib ang paglalayag sa karagatan lalu na sa maliliit na sasakyang pandagat.