Bagyong Crising nagdulot ng pagbaha at landslide sa ilang lugar sa Zamboanga del Sur
Binaha at nagkaroon ng landslides sa Zamboanga del Sur, bunsod ng bagyong Crising.
Sa bayan ng Dimataling ay hindi maraanan ang ilang kalsada, matapos gumuho ang lupa.
Bumaha rin sa Barangay Saloagan sa naturang bayan, kung saan anim na bahay ang tinangay ng tubig.
Nasira ang mga pananim na palay at iba pang produktong pang-agrikultura, habang marami sa mga bahay ang lubog pa rin sa tubig baha.
Ang mga apektadong pamilya ay pansantalang nananatili ngayon sa evacuation center.
Sa pangunguna ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Engr. Kenpee Yrauda, ay isinagawa ang pag-rescue sa mga naapektuhan ng baha, sa tulong na rin ng local government unit o LGU.
Samantala, nagkaroon din ng landslide sa bayan ng Lakewood dahil pa rin sa bagyong Crising.
Natakpan ang daan kaya agad itong nilinis ng Lakewood MDRRMO, para maging passable na ulit sa mga motorista.
Bahagya namang tumaas ang lebel ng tubig sa Labangan river, kaya patuloy itong mino-monitor ng Labanban MDRRMO.
Ulat ni Eric Bachiller