Pinakabagong bagyong “Huaning” pumasok na sa Pilipinas
Nakapasok na sa Philippine area of Responsibility ang bagyong Huaning na may international name na “Haitang”.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 250 kilometro, kanluran ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 90 kilometro kada oras at kumikilos ng pa-hilagang silangan sa bilis na 22 kilometro kada oras,
Nakataas ngayon ang signal number one sa Batanes, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao at Abra at Northwestern Cagayan kabilang ang Babuyan Group of Islands.
Nagbabala ang Pag-Asa sa mga residente ng mga lugar na isinailalim sa storm warning signal sa mga posibleng landslides at flashfloods at delikado naman ang pagpapalaot sa mga karagatan.
Inaasahang sa Lunes o bukas ng umaga, Hulyo 31 ay lalabas na ng bansa ang bagyong Huaning ngunit hahatakin nito ang habagat na siya namang magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa Pag-Asa bagamat tatlong bagyo pa ang inaasahan sa buwan ng Agosto ay wala pa naman silang namamataang low pressure area sa loob ng susunod ng tatlong araw.