Bagyong Isha, nanalasa sa UK
Libu-libong katao sa magkabilang panig ng UK at Ireland ang nawalan ng suplay ng kuryente, makaraan ang pananalasa ng Bagyong Isha taglay ang malakas na hangin at malakas na mga pag-ulan, na nagpaantala rin sa mga transportasyon.
Sa northeast England ay nakapagtala ng pagbugso ng hanging aabot sa 99 miles per hour (159 kilometres per hour), habang ang buong United Kingdom ay isinailalim naman sa weather warnings para sa ika-siyam nang bagyong tumama simula noong Setyembre.
Ayon sa climatologists, “climate change is causing winters in the region to be warmer and wetter, increasing the likelihood of extreme weather events.”
Sa Ireland, na matindi ring tinamaan ng bagyo, hindi bababa sa 235,000 mga bahay ang nawalan ng suplay ng kuryente ayon sa energy provider na ESB.
Mayroon ding bukod na 45,000 kataong walang kuryente sa Northern Ireland, habang libu-libong properties pa ang nagdilim sa northwest England at Wales.
Hindi maraanan ang pangunahing mga lansangan sa Scotland dahil sa nagtumbahang mga puno, habang napilitan namang kanselahin ang lahat ng biyahe ng tren dahil sa debris at baha.
Nakansela rin ang dose-dosenang biyahe ng eroplano o di kaya naman ay naantala, kung saan may ilan na na-divert dahil hindi makalapag sanhi ng malakas na hangin.
Isang Ryanair flight patungo sa Dublin na galing sa Manchester ang lumapag sa Paris, habang ang isa pa na patungo sa Irish capital galing Canary Islands ay ni-reroute sa Bordeaux makaraang mabigo ang mga pagtatangka nito na lumapag.
Ang Bagyong Isha ay kasunod ng Bagyong Henk, na nanalasa rin sa UK sa mga unang bahagi ng Enero, na nagdulot ng malawakang mga pagbaha at pagkagambala sa mga biyahe sa kalsada at mga biyahe ng tren.