Bagyong Jolina, nag-iwan ng P1.53 bilyong pinsala sa agrikultura
Inihayag ng mga opisyal na hindi bababa sa 1.53 bilyong pisong halaga ng pinsala sa agrikultura, at 63.676 milyong pisong halaga ng pinsala naman sa imprastraktura, ang iniwan ng bagyong Jolina (international name Conson).
Sa kanilang pinakahuling report hanggang ngayong Miyerkoles, Sept. 22, in-update rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang bilang ng mga nasawi at mga nasaktan dahil sa bagyo.
Ayon sa NDRRMC, 20 katao ang namatay at 33 naman ang nasaktan.
Napinsala naman ang 21,973 ektarya ng mga pananim, irrigation projects at iba’t-ibang livestock.
Nasira rin ang 18,082 kabahayan, at 94 na infrastructure facilities kabilang na ang government facilities, mga eskuwelahan, mga kalsada at mga tulay.
Ayon sa NDRRMC, ang mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyong Jolina ay ang Central Luzon sa Region 3, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol region sa Region 5, Western Visayas sa Region 6, Central Visayas sa Region 7 at Eastern Visayas sa Region 8.
Samantala, wala namang napaulat na namatay sa pananalasa ng bagyong Kiko (Chantu).
Umaabot sa 37.35 milyong piso ang halaga ng pinsala sa agrikultura, ngunit walang napaulat na pinsala sa imprastraktura.
Ayon pa sa NDRRMC, halos pitong libong indibidwal ang agad na nailikas sa Regions 1 at 2, bago manalasa ang bagyong Kiko.
Tumulong naman ang Phil. Red Cross sa pamamahagi ng hot meals sa kasagsagan ng bagyong Kiko, at tumulong din ang PRC chapters sa Batanes at Cagayan sa mga apektadong komunidad.