Bagyong Jolina, papalabas na ng PAR pero ilang lugar, uulanin pa rin dahil sa pinag-ibayong Habagat
Inalis na ng PAGASA ang Tropical Cyclone wind signal sa alinmang lugar sa bansa habang kumikilos papalayo ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Jolina na may international name na Conson.
Sa 11:00 am weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 240 kilometers West ng Dagupan city, Pangasinan, taglay ang hanging aabot sa 85 kph malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 115 kph.
Bagamat patuloy ang paglayo ng bagyo, humahatak naman ito ng Habagat na nakaapekto sa Kanlurang bahagi ng Timugang Luzon, Visayas at Mindanao.
Kaya may ilang bahagi ng bansa na makararanas pa rin ng mga pag-ulan partikular ang Palawan, Western Visayas at Zamboanga Peninsula.
Inaasahang mamayang alas-8:00 ng gabi hanggang bukas ng umaga ay tuluyan na itong lalabas ng PAR.
Posible ring lumakas pa ang bagyo bilang Typhoon habang nasa labas na ng bansa.
Magiging mapanganib pa rin ang paglalayag ng mga maliliit na sasakyang pandagat sa western seaboards ng Luzon dahil posibleng umabot 4.0 meters ang pag-alon.