Signal No. 2 nakataas pa rin sa ilang bahagi ng bansa habang kumikilos papalapit sa Babuyan Islands ang bagyong Maring
Bumilis pa ang Severe Tropical Storm Maring habang patuloy na kumikilos papalapit sa Babuyan islands.
Sa 5:00 pm weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa 105 kilometers Silangan, Hilagang -Silangan ng Aparri, Cagayan o sa 170 km Silangan, Timog-Silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 95 km. per hour malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 115 km/ h.
Nasa ilalim pa rin ng Tropical Cyclone Wind Signal no. 2 ang: Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan islands, Northern portion ng Isabela, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Abra, Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Signal no 1 naman sa : nalalabing bahagi ng Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Ifugao, Benguet, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Pampanga, Bulacan, Northern portion ng Bataan, Northern portion ng Quezon, kasama ng Polilio Islands at Calaguas islands.
Mapanganib ang paglalayag sa mga baybayin na nasa ilalim ng warning signal kaya pinaiiwas muna sa pagpalaot sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat.
Inaasahang bukas ng umaga, Martes, lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Maring.