Bagyong Quinta, inaasahang lalabas na ng PAR ngayong araw; Binabantayang LPA, posibleng pumasok sa bansa ngayong linggong ito
Inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) anumang oras ngayong araw ang bagyong Quinta.
Sa latest weather bulletin ng Pag-Asa DOST, huling namataan ang bagyo sa layong 580 kilometers Kanluran ng Calapan city, Oriental Mindoro.
Dahil dito, patuloy na nagdadala ng mga pag-ulan ang bagyo sa malaking bahagi ng Luzon at Kanluran ng Kabisayaan.
Nakataas ang Tropical wind signal no. 1 sa Pag-Asa island.
Sa Metro Manila ay magiging maulap ang kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan dulot ng bagyong Quinta at epekto ng tail-end ng frontal system na nakaka-apekto sa Hilagang Luzon.
Pinag-iingat ang mga residente ng mga apektadong lugar sa mga flashfloods at landslides.
Samantala, ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng bansa ay namataan sa layong 1,055 kilometers Silangan ng Southern Luzon.
Posibleng pumasok ito ng PAR sa Miyerkules o Huwebes at may posibilidad na maging isang bagyo sa susunod na 48 oras.