Bagyong “Rolly” isa na lamang tropical storm; bagyong “Siony” humina na rin habang papalapit sa N. Luzon
Isa na lamang tropical storm ang bagyong “Rolly” habang isa pang bagyo na pinangalanang “Siony” na una nang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ang bahagya ring humina habang kumikilos sa bahagi ng Philippine Sea.
Sa 4 a.m. bulletin of PAGASA, ang bagyong “Rolly” ay inaasahang lalabas ng bansa bukas ng umaga, at tinatayang lalo pang hihina at magiging isa na lamang tropical depression.
Hanggang kaninang alas-4:00 ng madaling araw, ang sentro ng bagyong “Rolly” ay tinatayang nasa 100 kilometro sa kanluran, timog kanluran ng Subic Bay.
Kumikilos ito ng pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras, taglay ang pinakamalakas na hangin na 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna, at pagbugsong aabot sa 80 kilometro bawat oras.
Samantala, ang sentro ng bagyong “Siony,” ay tinatayang nasa 990 kilometro sa silangan ng hilagang luzon. Kumikilos ito ng singbilis ng bagyong “Rolly” pa-kanluran hilagang kanluran taglay ang lakas ng hangin na 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometro bawat oras.
Ang bagyong “Rolly” ay una nang tinawag na pinakamalakas na bagyong darating sa bansa ngayong taon, taglay ang maximum sustained winds na 225 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 310 kilometers per hour hanggang ala-5:00 ng umaga kahapon, Linggo, Nov. 1 nang ma-develop ito sa isang super typhoon at unang nag-landfall sa Bato, Catanduanes.
Dahil sa lakas ng hanging taglay ng bagyong “Rolly” kahapon ay inihaluntulad ito sa 2013 Super Typhoon Haiyan na ikinasawi ng higit 6,000 katao sa Eastern Visayas. Subalit kahapon din ay humina ito hanggang sa maging tropical storm na lamang.
Sa pagtaya naman ng PAGASA, ang sentro ng bagyong bagyong “Siony” ay parulot na kumikilos pa-kanluran hilagang kanluran at halos hindi gagalaw mamayang gabi hanggang bukas ng gabi, Martes.
Nakataas na lamang ngayon ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa hilagang kanlurang bahagi ng Occidental Mindoro (Paluan, Mamburao, Abra de Ilog) kasama ang Lubang Island, kanlurang bahagi ng Batangas (Tingloy, Mabini, Bauan, San Luis, Taal, Agoncillo, San Nicolas, Santa Teresita, Talisay, Laurel, Lemery, Calaca, Balayan, Calatagan, Tuy, Lian, Nasugbu), extreme western portion ng Laguna (San Pedro City, Biñan City), Cavite, Metro Manila, kanlurang bahagi ng Bulacan (San Jose del Monte City, Santa Maria, Pandi, Bustos, Baliuag, Marilao, Meycauayan City, Obando, Bocaue, Bulacan, Balagtas, Guiguinto, Pulilan, Plaridel, Malolos City, Paombong, Hagonoy, Calumpit), kanlurang bahagi ng Pampanga (San Luis, Mexico, Masantol, Sasmuan, Floridablanca, Lubao, Porac, Guagua, Santa Rita, Bacolor, Angeles City, Santo Tomas, San Fernando City, San Simon, Macabebe, Minalin, Apalit), Bataan, at timugang bahagi ng Zambales (San Marcelino, San Felipe, San Narciso, San Antonio, Castillejos, Subic, Olongapo City).
Ayon sa PAGASA, makararanas ng strong breeze hanggang near gale conditions, na may paminsan-minsang pagbugso sa mga lugar na nasa ilalim ng TCWS #1, ito ang Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at hilagang bahagi ng mainland Cagayan at Zambales.
Makararanas naman ng rough to very rough seas (2.5 to 5.0 m) ang mga baybaying dagat ng Northern at Central Luzon, ang western seaboards ng Batangas, Occidental Mindoro kabilang na ang Burias Island, at Calamian Islands, at eastern seaboards ng Quezon kasama ang Polillo Islands at Bicol Region.
Mapanganib ang paglalayag, laluna para sa maliliit na sasakyang pangdagat.
Moderate to rough seas (1.2 to 2.5 m) naman ang mararanasan sa western seaboards ng Palawan kabilang na ang Kalayaan Islands at ang eastern seaboards ng Visayas at Mindanao. Pinapayuhan ang mga mandaragat na mag-ingat kung sila ay papalaot, dapat namang umiwas maglayag ang mga mandaragat na wala pang karanasang pumalaot kapag ganito ang kondisyon.
Liza Flores