Bahagi ng Baguio Public Market, sarado ng tatlong araw
Ipinag- utos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang temporary closure o lockdown sa ilang bahagi ng Baguio Public Market para sa agarang disinfection at contact tracing sa pangunguna ng mga market personnel sa nasabing pamilihan.
Tatlong araw na pansamantalang isasara ang Rillera Building at buong Vanilla alley simula kagabi hanggang Oktubre 9 base sa Local Executive Order # 142 series of 2020 na inisyu ni Fernando Ragma Jr., market Supervisor para sa agarang implementasyon.
Ayon kay Ragma, mula sa direktiba ni Mayor Magalong , wala munang vendor, market goers, food suppliers ang papayagang makapasok o magtinda sa naturang lugar maliban sa mga otorisadong tauhan at pamunuan ng Baguio Market Authority, City Health Services Office, Baguio City Police Office, City Disaster Risk Reduction Management Office ( CDRRMO ), City Engineering at Public Order and Safety Division ( POSD ) para sa ginagawang sanitation, inspeksyon at disinsfection.
Inaasahan din ng ng alkalde na agad maipatupad ang kautusan para sa kapakanang pangkalusugan ng bawat mamamayan .
Sinabi pa ni Ragma, ang agarang aksyon para ipatupad ang temporary closure order sa basement area o meat section ng naturang establisyimento ay para sa COVID-19 preventive health protocols upang maisalang-alang at maiseguro ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa pandemya.
Samantala, ikinadismaya at ikinalungkot ng ilang apektadong vendors ang pagsasara sa pamilihan pero handa naman daw silang sumunod para na rin sa kanilang kabutihan at kapakanan ng lahat.
Freddie Rulloda, Mhar Oclaman, Grace Espino