Bahagi ng barkong lumubog sa Mariveles, Bataan bahagyang lumitaw
Bahagya nang lumitaw ang bahagi ng lumubog na MTKR Jason Bradley sa bahagi ng karagatan ng Mariveles, Bataan noong kasagsagan ng bagyong Carina at ng habagat.
Sa mga larawan at video mula sa coast guard, makikita na may bahagi ng katawan ng barko ang umangat sa tubig.
Dahil may nakalutang na bagahi na ang tanker, tinalian an rin ito at hinila ng isa pang barko.
Kanina ay nasimulan na ang paghigop sa tubig-dagat sa barko.
Sinabi ni Lt. Commander Michael John Encina, kumander ng Bataan Coast Guard station, “Mangyayari, hihigupin ng siphoning pipes ang sea water para siya mag-afloat saka hihigupin ang 5,500 liters ng diesel oil.”
Bagama’t ang salvor company na kinuha ng may-ari ng barko ang nangangasiwa sa salvaging operation, naroon din ang mga tauhan ng coast guard para magmonitor
Ayon kay Encina, “Containment measure natin sa Bradley nakalatag na wala nang nakikita na oil sheen sa area, wala nang amoy, nasarhan na yan ng divers ng PCG at salvor.”
Kung magtutuloy-tuloy ang magandang panahon, kumpiyansa ang PCG na mapalulutang na nang tuluyan ang barko sa lalong madaling panahon.
Sabi pa ni Encina, “Kung walang other aggravating factors like sama ng panahon, walang butas sa barko, tuloy-tuloy na ang pag-angat at pagsipsip sa seawater sa loob ng barko.”
Sa MT Terranova naman na lumubog sa Limay sa Bataan, inaasahang malapit na ring masimulan ang paghigop sa mga karga nitong industrial fuel oil.
Ayon sa PCG, 6 nalang sa 24 valve nila ang nilalagyan ng metal cap.
Kapag natapos ito, target na masimulan na agad ang siphoning operation.
Hindi naman umano kailangan higupin lahat ng 1.4 milyong litro na laman nito, sapat lang para mapalutang ito at saka hihigupin ang lahat ng langis.
Madelyn Villar-Moratillo